Risers pinalubog ang Capitals
Biñan City, Laguna, Philippines — Sumandal ang Bataan Risers sa triple-double ni John Bryon Villarias para gibain ang Quezon City Capitals, 79-73, sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season dito sa Alonte Sports Arena kamakalawa ng gabi.
Tumapos si Villarias na may game-high na 22 points, 10 rebounds at 11 assists para sa pang-limang sunod na ratsada ng Risers at pagandahin ang kanilang marka sa 12-8 kasosyo ang Pasay Voyagers sa No. 8 spot sa 16-team North division.
Nalasap naman ng Capitals ang kanilang ikatlong dikit na kamalasan para sa 8-13 kartada.
Sa likod nina Villarias at Alfred Ryan Batino ay kinuha ng Bataan ang 60-47 abante matapos ang third period para iwanan ang Quezon City.
Nagdagdag sina Batino at Presbitero ng tig-16 points para sa Risers.
Nakahugot naman ang Capitals ng 17 points at 10 rebounds kay Ramon Mabayo at 12 markers at 12 boards kay Clark Derige.
Samantala, bumangon ang Caloocan Supremos mula sa 13-point deficit sa huling apat na minuto ng fourth period para resbakan ang Marikina Shoemasters, 76-74.
Humugot si Cedric Labing-isa ng 12 sa kanyang 21 points sa final canto para pamunuan ang Supremos sa kanilang 12-9 baraha.
Kumamada naman si Yves Sazon ng 27 points sa panig ng Shoemasters, nahulog ang karta sa 3-16.
Sa huling laro, umasa ang Muntinlupa Cagers kay John Kevin Ortuste para talunin ang Mindoro Tamaraws, 85-76, at ilista ang 5-15 record sa South division.
Tumapos si Ortuoste na may 27 points para sa panalo ng Cagers at ipalasap ang ika-13 kabiguan ng Tamaraws sa 21 laro.
- Latest