2 liyamadong kabayo nasilat
MANILA, Philippines — Dalawang liyamadong kabayo ang inaasahang mananalo noong Sabado sa pista ng Santa Ana sa Naic, Cavite pero nabigo ang mga ito.
Inilampaso ng dehadong Make Some Noise ang top favorite na Rivine Master sa naganap na Two-Year-Old Maiden Race kaya naman nasikwat nito ang added prize na P10,000 na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Muntik pang magkaroon ng aksidente sa rektahan dahil muntik bumangga ang Make Some Noise sa Bucasgrande Island habang rumeremate.
“Mabuti na lang at hindi naantala ang pagremate namin at medyo mahaba ang rektahan kaya nakahabol at nanalo pa kami,” masayang sabi ni class A rider RO Niu Jr.
Dumating na segundo ang Rivine Master habang tumersero ang Batang Evalom.
Natalo rin ang Oustanding favorite na My Jopay sa Condition Race Merged category 10.
Sinikap ng far second choice Forest Cover na makuha ang unahan sa largahan, nakalamang agad ng isang kabayo sa unang 200 metro ng karera.
Pero kumapit ang Magic Blast para pahirapan sa unahan ang Forest Cover.
Kahit nilulutsa ay hindi bumigay ang Forest Cover sa pagkapit sa bandera at sa huling 400 meters ng karera ay unti-unti nang kumalas ang winning horse para makalamang ng dalawang kabayo papasok ng hometurn.
“Ganadong tumakbo kaya alam ko mananalo kami,” saad ni apprentice rider PM Cabalejo.
Pumilit ang My Jopay na lumapit sa rektahan pero kinapos ito at isinuko ang panalo kay Forest Cover..
Pangatlong dumating sa meta ang Magic Blast habang pang-apat ang Exhilarated.
- Latest