‘Di na patatagalin ng cignal-Ateneo
MANILA, Philippines — Tangka ang Cignal-Ateneo na madagit na ang kampeonato kontra sa Centro Escolar University sa closeout Game 4 ng kanilang 2019 PBA Developmental League best-of-five Finals series ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig city.
Hawak ang 2-1 abante, sasalang ang Blue Eagles sa alas-4 ng hapon na may misyong tapusin ang serye at masikwat na ang prestihiyosong titulo ng 20-team semi-pro tourney.
Matapos masipit ng Scorpions, 77-74 sa Game 2, bumalikwas agad ang Blue Eagles sa Game 3 gamit ang dominanteng 67-52 tagumpay upang makalapit ng isang panalo sa titulo.
Naatasang manguna sa naturang hangarin ng Ateneo si D-League Most Valuable Player Isaac Go gayundin ang kapitan na si Thirdy Ravena.
Aalalay naman sa kanila sina Adrian Wong, SJ Belangel, Matt at Mike Nieto gayundin ang Ivorian center na si Ange Kouame.
Bagama’t nasa unahan ng serye, ayaw namang pakampante ni Ateneo deputy Sandy Arespacochaga na pinaalalahanan ang Blue Eagles na isipin lang muna ang Game 4 at hindi ang pagbulsa ng D-League championship.
“We have to play each game and be present for each game,” ani Arespacochaga. “We can’t look past every game and we have to make sure we do our job for the next game.”
Sa kabilang banda, aminado si Scorpions mentor na si Derrick Pumaren na anuman ang kahantungan ng naturang serye ay taas noo pa rin niyang ipagmamalaki ang koponan na naglaro na may walong players lang simula quarterfinals hanggang umabot sila sa championship.
“Like what I said before, these boys are already champions in my eye. Whatever happens next, we’re just going to go and try to give a hell of fight to Ateneo,” ani Pumaren na nakaiskor pa ng isang panalo sa kumpleto at paboritong Blue Eagles.
Tatrangko naman sa plano ng CEU na makapuwersa ng winner-take-all Game 5 si Senegalese big man Malick Maodo Diouf kasama sina Rich Guinitaran, Jerome Santos, Kurt Sunga, France Diaz at Dave Bernabe.
- Latest