Kasado na ang agawan nina Palicte at Ioka sa WBO title
MANILA, Philippines — Kasado na ang pagtutuos nina Pinoy boxing sensation ‘Mighty’ Aston Palicte kay Japanese Kazuto Ioka para sa bakanteng World Boxing Organization super flyweight title.
Nagkasundo ang mga kampo nina Palicte at Ioka kung saan gaganapin ang bakbakan sa Hunyo 19 sa Japan.
Wala pang eksaktong lugar na pagdarausan ngunit kabilang sa mga pinagpipiliang venue ay ang Osaka at Chiba.
Hangad ni Palicte na maging ikalimang world champion ng Pilipinas sa kasalukuyan para samahan sa listahan sina World Boxing Association regular welterweight champion Manny Pacquiao, International Boxing Federation junior bantamweight titlist Jerwin Ancajas, WBA super bantamweight king Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at WBO mini flyweight titlist Vic Saludar.
Dating hawak ni Donnie ‘Ahas’ Nietes ang nasabing WBO super flyweight crown.
Iniutos ng WBO na harapin ni Nietes ang mandatory challenger na si Palicte.
Ngunit nagpasya si Nietes na bakantehin na lamang ang WBO super flyweight belt noong Marso upang isentro ang kanyang atensyon sa mas malaking laban.
“After thinking hard about it for a long time, I have decided to vacate my WBO Super flyweight belt, I feel in my heart that there is no point to do the rematch with Aston Palicte after the controversial draw,” ani Nietes sa kanyang naunang statement.
“I hope to seek bigger fights with the world champions of the other organizations. It may or may not happen but I believe this is the right decision under this situation. Also, I would want to give my fellow Filipino Aston Palicte a chance to fight for the world title to bring pride and glory to our country,” dagdag pa nito.
- Latest