Al Hussaini babalik na sa Blackwater?
MANILA, Philippines – Bunsod ng manipis na frontcourt at nagkukumahog na kampanya ng Blackwater sa unang bahagi ng 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, posibleng pabalikin na nila ang big man na si Rabeh Al Hussaini.
Magugunitang nitong off-season ay nag-AWOL sa koponan si Al Hussaini na nagresulta sa kanyang suspensyon at hindi pa rin sumasali sa pagsasanay hanggang ngayon ng Elite.
Subalit dahil sa 0-2 simula ng Blackwater bunsod ng mainips na big men rotation sa likod lamang nina rookie Abu Tratter at James Sena ay plano na ng koponan na tawagin ulit ang serbisyo ng 6’7 na si Al Hussaini.
Matatandaang nitong off season ay napilayan nang husto ang Elite sa pagkawala ng star big man na si JP Erram na napunta sa NLEX kapalit nina fourth pick Paul Desiderio at seventh pick Tratter sa katatapos lamang na 2018 PBA Annual Rookie Draft noong nakaraang buwan.
Dating Most Valuable Player ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang Ateneo center na si Al Hussaini na nakuha ng Blackwater noong nakaraang taon mula rin sa NLEX kapalit si Dave Marcelo.
Kung sakaling babalik na sa wakas si Al Hussaini, inaasahan ang kanyang malaking tulong lalo’t may big men coach na ang Blackwater sa katauhan ni PBA legend Rommel Adducul na kinuha nila sa offseason.
Dinagdag din ng Elite sa coaching staff ang isa sa 25 PBA Greatest Players na si Williiam ‘Bogs’ Adornardo bilang shoooting coach.
Sa kabutihang palad, may panahon pa upang makapagkundisyon at makapagsanay ulit si Al Hussaini dahil sa Enero 30 pa ang susunod na laban ng Blackwater kontra sa Rain or Shine sa Cuneta Astrodome.
- Latest