SMB-Alab lusot sa overtime vs Indons
MANILA, Philippines – Nangailangan ang nagdedepensang San Miguel-Alab Pilipinas ng extra period bago magwagi laban sa CLS Knights Indonesia, 88-80 sa pagpapatuloy ng 9th Asean Basketball League (ABL) noong Linggo ng gabi sa GOR Basket Kertajaya Gym sa Surabaya, Indonesia.
Matapos umabot sa 75-75 tabla ang laban matapos ang regulation period, nagpakawala ng 13-5 run sina imports Renaldo Balkman at PJ Ramos at Bobby Ray Parks, Jr. para maitala ang ikalawang sunod na panalo kasunod ng kanilang 94-67 panalo sa unang laro noong Dec. 9 sa Sta. Rosa Complex.
Nanatili ang tropa ni coach Jimmy Alapag sa ikalawang puwesto sa 2-0 win-loss kartada sa likuran ng nangu-ngunang Formosa Dreamers-Taiwan na hawak ang 6-0 card.
Bibiyakin ng Alab Pilipinas at Formosa Dreamers ang parehong malinis na kartada sa kanilang paghaharap sa Biyernes sa Sta. Rosa Sports Arena sa Sta. Rosa, Laguna.
Kagaya ng inaasahan, pinangunahan ng best defensive player awardee noong nakaraang taon na si Balkman ang San Miguel-Alab sa kanyang 36 puntos, 12 rebounds at apat na steals habang ang 7’3 na si Ramos ay umani rin ng double-double na 25 points at 11 rebounds.
Sa una nilang laro, nagpasiklab na rin si Balkman ng 33 points at 11 rebounds, habang 20 points at 13 rebounds naman mula sa Puerto Rican na si Ramos.
Ngunit sa mga locals, tanging ang bagong PBA rookie draft second overall pick Booby Parks Jr. lamang ang tumapos ng double digits sa kanyang 10 puntos, tatlong rebounds at dalawang assists habang ang iba ay hindi pa gaanong nakapagbigay suporta dahilan para dumikit ang Indonesian team.
- Latest