Columbian hinirang si Perez bilang top pick
Parks, Bolick, Desiderio at Calisaan nakuha sa 1st round
MANILA, Philippines — Katulad ng inaasahan, si Lyceum Pirates superstar CJ Perez ang hinirang na top overall pick sa 2018 PBA Annual Rookie Draft kahapon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Ito ang siniguro ng Columbian Dyip sa pagsikwat sa dating NCAA Most Valuable Player mula sa 46 pang PBA rookie hopefuls.
Taliwas ito sa nangyari noong nakaraang taon kung saan ibinigay ng Dyip ang kanilang first overall pick sa San Miguel na ginamit naman ang pagkakataon upang kunin si Filipino-German sensation Christian Standhardinger.
“Dream come true para sa akin ito,” ani Perez. “Sana matulungan ko ‘yung Columbian. Pangako ko lang ‘yung best effort ko.”
Hindi rin sorpresa ang pagkuha ng Blackwater kay international sensation ng San Miguel-Alab Pilipinas na si Bobby Ray Parks, Jr. bilang second overall selection ng Elite.
Ito ay sa kabila ng pagliban ng two-time ABL star sa naturang draft bunsod ng kasabay na laban ng Alab kontra sa CLS Knights sa Indonesia.
Sinikwat naman ng NorthPort ang three-time NCAA champion na si Robert Bolick mula sa San Beda Red Lions bilang third overall pick.
Ito ay upang maisakatuparan ang plano ng Batang Pier na makahanap ng matikas na tandem ni Stanley Pringle sa kanilang backcourt.
Samantala, ginulat naman ng NLEX ang lahat nang kunin ang bayani ng University of the Philippines na si Paul Desiderio bilang No. 4 overall pick.
Gayundin ang ginawa ng Meralco na ginimbal ang lahat sa pagsungkit kay Filipino-American guard Trevis Jackson bilang fifth overall pick.
Kinumpleto naman nina Javee Mocon (Rain or Shine), Abu Tratter (NLEX), Jayjay Alejandro (Rain or Shine), MJ Ayaay (Alaska), Michael Calisaan (Magnolia), JP Calvo (Columbian) at Jorey Napoles (Phoenix) ang mga first round picks.
Nakuha sa second round sina Paul Varilla (Rain or Shine), Meralco (Bong Quinto), Jeepy Faundo (Magnolia), Kris Porter (NLEX), Gideon Babilonia (Alaska), Cyrus Tabi (Columbian), Robbie Manalang (Rain or Shine), Harold Ng (Rain or Shine) gayundin sina Ron Dennison and Joe Trinidad na napunta sa Phoenix.
- Latest