Makati kumapit sa 4th
MANILA, Philippines — Ipapagpatuloy ng Makati ang kanilang playoff bid sa pagharap sa Mandaluyong habang hangad ng mahihinang Rizal at Valenzuela na manatili sa kontensiyon sa MPBL Anta Datu Cup na magpapapatuloy ngayon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang Super Crunch ang isa sa mainit na team ngayon sa torneong ito na itinayo ni Senator Manny Pacquiao kasama si PBA legend at former PBA MVP na si Kenneth Duremdes.
Nanalo na ang Makati ng anim na sunod para lumapit sa playoff berth matapos umangat sa 12-4 panalo-talo na nagpatatag sa kanila sa solo fourth spot.
Haharapin nila ang Mandaluyong El Tigre sa unang laro sa alas-7 ng gabi bago ang laban ng Rizal Crusaders at Valenzuela Classic sa alas-9.
Tinapos ng El Tigre ang seven-game losing skid matapos takasan ang mahigpit na hamon ng Bulacan Kuyas at umaasa si veteran mentor Arlene Rodriguez na magandang senyales ito.
Kasalukuyang nasa sixth spot ang Mandaluyong sa kanilang 7-8 kartada ngunit kung sila ay matatalo, magbabago ang ihip ng hangin para sa kanilang tsansa sa playoff dahil ‘di nakalalayo ang Navotas, Pampanga, Pasay at Valenzuela.
Ang Valenzuela at Rizal ay parehong nangangailangan naman ng panalo.
Kasama ang Classic at Voyagers sa 9th-10th places sa kanilang 6-10 win-loss record sa mabigat na northern division. Para sa Crusaders, pagkakataon nila itong umangat dahil mahihina ang kalaban nila.
- Latest