MVP aayuda sa PNVF para sa FIVB Worlds
MANILA, Philippines — Hindi lang pam-basketball ang suporta ni sports patron Manny V. Pangilinan, o kilala bilang MVP, para sa Philippine sports.
Ibinigay ni MVP ang buong suporta ng kanyang MVP Group of Companies para sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa inabangang hosting nito ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa Setyembre 12 hanggang 28.
Nagpirmahan ang MVP Group of Companies at PNVF ng kontrata kahapon sa Meralco Lighthouse sa Ortigas, Pasig para sa bagong samahan nina Pangilinan at PNVF president Ramon “Tats” Suzara.
Matatandaang si Suzara ang itinalaga ni Pangilinan, chairman emeritus ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), bilang chief implementer at master planner ng 2023 FIBA Basketball World Cup na ginanap din sa Pilipinas.
Nagresulta ito sa matagumpay na hosting kasama ang Japan at Indonesia bago ang samahan ulit ngayon para naman sa volleyball na solo host ang Pinas sa unang pagkakataon sa kasaysayan.
Bitbit ni Pangilinan sa suporta niya sa PNVF ang PLDT, Smart, Meralco, Metro Pacific Investments, Cignal at mWell bilang ilan lamang sa sandamakmak na kumpanyang hawak niya.
PLDT ang magsisilbing opisyal na broadband internet partner ng torneo habang Cignal naman ang opisyal na broadcast partner.
- Latest