Gawilan, severino outstanding athletes
3rd Asian Para Games
MANILA, Philippines — Hinirang sina swimmer Ernie Gawilan at chesser Sander Severino bilang best performing Filipino athletes sa katatapos na 3rd Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.
Lumangoy si Gawilan ng kabuuang tatlong gold at dalawang silver medals sa swimming competition, samantalang nagsulong si Severino ng apat na ginto sa chess event.
Sinabi ni Philippine Sports Commission chair William “Butch” Ramirez na tatanggap sina Gawilan, Severino at iba pang Filipino medalist ng insentibong P1 milyon para sa gold, P500,000 para sa silver at P200,000 para sa bronze.
“I am jubilant on the Para Games Philippines performances. In behalf of the PSC, congratulations to our team for making the country proud,” wika ni Ramirez.
Nakatakdang tumanggap si Gawilan ng cash incentive na P4 milyon at magbubulsa naman si Severino ng P2.66 milyon sa pinakamakasaysayang kampanya ng Team Philippines sa nasabing quadrennial games.
Sa kabuuan ay humakot ang mga Pinoy athletes ng 10 golds, 8 silvers at 11 bronzes para tumapos sa No. 11 sa overall team standings.
Sa nakaraang edisyon ng Asiad Para Games ay nag-uwi lamang ang Philippine delegation ng limang pilak at limang tansong medalya noong 2014 sa Incheon, South Korea.
Si chesser Henry Lopez ay makakatanggap naman ng P1.66 milyon para sa kanyang dalawang team golds at dalawang individual silvers, habang si bowler Kim Ian Chi ay bibigyan ng P1.5 milyon para sa isang gold at doubles silver katambal si Samuel Matias.
Ang cyclist na si Arthus Bucay ay mag-uuwi ng P1.2 milyon para sa isang gold at bronze.
Ang iba pang kumuha ng medalya ay sina woodpushers Arman Subaste, Menandro Redor and Israel Peligro (team gold), swimmer Gary Bejino (silver, bronze), power-lifter Achelle Guion (silver), cyclist Godfrey Taberna (bronze), table tennis player Josephine Medina (silver) at powerlifter Adeline Dumapong-Ancheta (bronze).
“We treated the regular elite and para athletes equal. In terms of allowance, and other privileges of national athletes and coaches,” ani Ramirez. “And the support will continue especially now that the team have shown resolve and fighting spirit.”
Ang Pilipinas ang mamamahala sa ASEAN Para Games sa susunod na taon, dagdag ng PSC chief.
- Latest