Mayweather muling tatalunin si Pacquiao, sabi ni JM Marquez
MANILA, Philippines — Nakatapat na ni Mexican boxing legend Juan Manuel Marquez sina boxing superstars Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.
At sa pinaplantsang rematch nina Pacquiao at Mayweather ay may opinyon ang 45-anyos na si Marquez.
“Just like the first one but I think it would be easier (this time) for Floyd,” sabi ni Marquez, nagretiro nang may 56-7-1 win-loss-draw ring record kasama ang 40 knockouts, sa panayam ng isang Mexican television.
Tinalo ni Mayweather (50-0-0, 27 KOs) si Pacquiao (60-7-2, 39 KOs) via unanimous decision sa kanilang mega showdown noong Mayo ng 2015.
“Mayweather knows what Manny already does. He would handle the distance and lateral movement easier this time. He would be defensive again and there would be little risk in the fight for him (Mayweather),” ani Marquez.
Nagtagpo sina Pacquiao at Mayweather sa isang music festival sa Tokyo, Japan at napag-usapan nila ang isang rematch.
Wala pang nangyayaring opisyal na negosasyon sa pagitan ng 39-anyos na si Pacquiao at ng 41-anyos na si Mayweather.
Bago ang rematch kay Pacquiao ay balak ni Mayweather na sumabak sa isang tune-up fight sa Tokyo bago matapos ang taon.
Apat na beses naglaban sina Pacquiao at Marquez, ang huli ay nang patulugin ng Mexican boxing great si ‘Pacman’ sa huling segundo ng sixth round noong Disyembre 8, 2012.
Natalo naman si Marquez kay Mayweather via unanimous decision noong Setyembre 19, 2009.
- Latest