Victorious Colt tagumpay sa 3rd Triple Crown
MANILA, Philippines — Nagbida naman para sa ikatlong yugto ng triple crown stakes race ang kabayong Victorious Colt na mahusay na nirendahan ni jockey Oneal P. Cortez, kahapon sa karerahan ng Santa Ana Park.
Sa maputik na pista, ay ginabayan ni Cortez ang may tatlong taong lalakeng kastanyo na nakasunod lang sa nangungunang Speedmatic na dinala ni Patricio Ramos Dilema.
Kumaripas rin ng tulin ang coupled runner ni Smart Candy na El Debarge na sinakyan ni John Alvin A. Guce gayundin ang Smart Candy na bahagyang naging paborito at Critical Moments ni R.O. Niu Jr.
Sa kalagitnaan ng may 2,000 metro distansiyang karera, ay nakitaan na nang panghihina itong si Speedmatic habang ang Victorious Colt na nasa may gitna ng maputik na pista ay nagtatampisaw pa na lumagpas sa kanyang mga kalaban.
Nang makauna na itong Victorious Colt, ay siya namang pagpaparemate ng iba pang kalaban gaya nga ng Smart Candy na dala ni Kelvin B. Abobo at Wonderland, second leg winner, na si Fernando M. Raquel Jr., naman ang siyang nagpatakbo.
Sa rektahan ay nag-umento pa itong Victorious Colt na lumayo pa sa mga kalaban ng may tatlong horselenght. Habang ang mga Smart Candy at Wonderland ay tila makukuntento na lamang sa pagkuha ng runner-up prizes.
Sa pagkakataong ito ay malakas na naisigaw ng race caller ang pangalan ng kabayong Prosperity na animo’y makapagpaparemate pa sa ibabaw si Jessie Basilio Guce. Pero pang-apat lang ang inabot niya.
At nakahabol rin si Philracom commissioner Willy de Ungria, para makapag-abot ng awards sa mga nanalong koneksyon na ang pinakamasaya ay itong si horsetrainer Danilo R. De La Cruz.
Masaya rin naman ang may-ari na si J.G. Zialcita gayundin ang hineteng si Oneal P. Cortez. Ang panalo ay ngangahulugan ng P1,800,000 unang premyo sa kanila.
Nakuha ng Santa Clara Storckfarm, Inc., ang runner-up purse na P675,000 samantalang ang third prize na P375,000 ay napunta kay Hermie Esguerra dahil sa kabayo niyang si Wonderland. May P150,000 prem-yo naman si Leonardo M. Javier Jr., dahil sa kabayo niyang Prosperity na pumang-apat.
Samantala, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakadehado ang kabayong Talitha Koum sa ginanap na 2018 Philippine Racing Commission Hopeful Stakes race, sa karerahan ng Santa Ana Park kahapon ng Linggo.
Nakuha ni George R. Raquidan ang unang prem-yong P600,000 sa panalo ng Talitha Koum. At napunta naman sa Running Rich Trading ang second purse na P225,000.
Sa third placer na Ahprodisiac, napunta kay Hermie Esguerra ang P125,000 samantalang ang fourth prize na P50,000 ay nauwi ni Jaime G. Dichaves sa kanyang kabayong si Tapstere.
Ang breeder’s purse na P30,000 ay napunta naman kay sportsman/horseowner Joseph Dyhengco na siyang nag-breed ng kabayong Talitha Koum. JM
- Latest