ZUS Coffee nakatutok sa back-to-back wins
MANILA, Philippines — Matapos ilista ang kauna-unahang panalo sa Premier Volleyball League (PVL) ay nakatutok naman ang ZUS Coffee sa back-to-back wins sa 2024-25 All-Filipino Conference.
Haharapin ng Thunderbelles ang Galeries Tower Highrisers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Cignal HD Spikers at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Solo ng PLDT Home Fibr ang liderato sa kanilang bitbit na 3-0 record kasunod ang Cignal (2-0), nagdedepensang Creamline (2-0), Petro Gazz (2-1), Akari (2-1), Chery Tiggo (2-1), Choco Mucho (2-1), ZUS Coffee (1-1), Farm Fresh (0-2), Nxled (0-3), Capital1 Solar Energy (0-3) at Galeries Tower (0-3).
Umiskor ang Thunderbelles ng 19-25, 25-23, 25-22, 25-15 panalo sa Chameleons para wakasan ang kanilang 21-game losing slump simula noong nakaraang season.
Humataw si veteran Jovelyn Gonzaga ng 23 points mula sa 20 attacks at tatlong blocks.
“Ako personally, gusto ko ibigay ‘yung kumpiyansa and tiwala kasi once na mabuo ang kumpiyansa nila, magiging maganda ‘yung performance ng team,” wika ng 5-foot-8 opposite spiker.
Nakalasap naman ang Highrisers ng 25-27, 22-25, 23-25 kabiguan sa High Speed Hitters sa kanilang huling laro.
Sa ikalawang laro, hangad ng Cignal na makisosyo sa PLDT sa liderato sa pagsagupa sa Choco Mucho na nasa two-game winning run matapos ang opening day loss.
- Latest