Negrito babandera sa FEU volleybelles
MANILA, Philippines – Malaking hamon ang haharapin ng Far Eastern University setter na si Kyle Negrito sa darating na UAAP Season 79 wo-men’s volleyball tournament.
Si Negrito ang nakatakdang pumuno sa posisyong iniwan ni dating Lady Tamaraw Gyzelle Sy, na naglaro na sa kanyang huling taon noong Season 78.
Hindi naman ito lingid sa kaalaman ni Negrito na siyang nagbida sa opensa ng Lady Tamaraws sa nakaraang Shakey’s V-League Collegiate Conference kung saan nagtapos sila sa pang-apat na puwesto.
“Challenge ‘yun siyempre sa part ko na ma-meet ‘yung kalidad na binigay ni ate Gy or mas mahigitan pa,” pahayag ni Negrito. “Hindi ako tumitigil sa training para makasabay or maka-exceed sa expectation ng mga tao.”
Nagtala ng 6.89 per set na average si Sy sa kanyang hu-ling taon sa UAAP at nakatikim ng tagumpay sa Shakey’s V-League bilang miyembro ng Pocari Sweat na nagkampeon sa Open at Reinforced Conference ngayong taon.
Natutuwa naman si Negrito sa mga payong binibigay sa kanya ng kanyang dating kakampi gayun din sa trabaho na ginagawa ng coaching staff ng FEU upang ihanda siya sa pagtanggap sa mas malaking responsibilidad sa darating na UAAP Season 79.
“Lagi niyang (Sy) sinasabi na relax ka lang. Lagi niyang binu-boost confidence ko na ‘Magaling ka, relax ka lang, ka-yang-kaya mo ‘yan, Lagi niyang sinasasabi ‘yan. Sobrang tiwala siya sa akin. Galing na galing siya sa akin,” ayon kay Negrito. “Sila coach tine-train kami na kahit sinong wala, sinong nandyan, kumpleto or hindi, yung galaw namin iisa lang.”
Pamumunuan nina Negrito, Bernadeth Pons, Remy Palma, at Toni Rose Basas ang kampanya ng Lady Tamaraws na masungkit ang kanilang pang-30 titulo sa women’s volleyball sa Season 79 na mag-uumpisa sa Pebrero. FML
- Latest