Donaire vs Gradovich ‘di pa sigurado
MANILA, Philippines – Bagama’t payag si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. na idepensa ang kanyang suot na world super bantamweight crown laban kay Evgeny Gradovich, hindi pa ito tiyak na maitatakda.
Sinabi ni Cameron Dunkin, ang manager ni Donaire, na wala pa siyang pinal na desisyon kaugnay sa pagsagupa ng tubong Talibon, Bohol kontra sa dating Russian world featherweight titlist na si Gradovich.
Ito ay sa kabila ng majority decision win ni Gradovich kay Mexican Jesus Galicia sa isang 10-round featherweight fight kahapon sa Centro Deportivo Boxing Unitres, Picanya, Valencian Community sa Spain.
Nauna nang itinakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pagtatanggol ni Donaire (36-3-0, 23 KOs) para sa kanyang suot na World Boxing Organization super bantamweight crown laban kay Gradovich (21-1-1, 9 KOs) sa Abril 23 sa Smart Araneta Coliseum.
Muling nakamit ni Donaire ang WBO super bantamweight title makaraang talunin si Mexican fighter Cesar Juarez via unanimous decision noong Disyembre 12 sa San Juan, Puerto Rico.
Bukod kina Gradovich at Juarez (17-4-0, 13 KOs), ikinukunsidera rin para labanan ni Donaire sina mandatory challenger Mexican-American fighter Jessie Magdaleno (22-0-0, 16 KOs) at da-ting WBO titlist at Cuban two-time Olympic gold medalist Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs).
Si Gradovich ay naging sparmate ni Donaire para sa kanyang title fight laban kay Wilfredo Vazquez Jr. noong 2012.
Nakamit ni Gradovich ang International Boxing Federation featherweight title mula sa kanyang twelve round split decision kay Billy Dib ng Australia noong Marso 1, 2013.
“He has no power but he keeps throwing punches,” paglalarawan ng father/trainer ni Donaire na si Dodong Donaire kay Gradovich, naisuko ang IBF belt nang makalasap ng 8th round technical decision loss kay Lee Selby ng Great Britain noong Oktubre 24.
- Latest