UAAP title para sa Adamson asam ni Pumaren
MANILA, Philippines – Iginiya niya ang La Salle Green Archers sa apat na sunod na korona sa University Athletic Association of the Philippines simula noong 1998 hanggang 2001.
Ito ang pipilitin ni Franz Pumaren na gawin para sa Adamson Falcons.
Pormal na hinirang ng Falcons kahapon si Pumaren bilang kanilang bagong head coach kapalit ni interim Mike Fermin para sa susunod na UAAP season.
“We’ll make sure each year it’s going be competitive and I’m not going to be a hypocrite, we’re here to give Adamson a championship,” matapang na deklarasyon ng 51-anyos na si Pumaren.
Naibigay ni Pumaren ang pang-limang UAAP title ng Green Archers noong 2007 bago mag-coach sa Philippine Basketball Association.
Dinala ni Pumaren sa bench ng Falcons sina long-time assistants Tonichi Yturri at Jack Santiago para makatuwang si Fermin, iginiya ang Adamson sa 3-11 record sa katatapos na Season 78.
Makakatulong din ni Pumaren sina dating PBA at La Salle players Ren Ren Ritualo, Jr. at Don Allado.
Nilagdaan ni Pumaren ang three-year contract para sa Falcons na hindi pa nagkakampeon sa UAAP sapul noong 1977 sa pangunguna ni legendary point guard Hector Calma.
Muling ipaparada ng Adamson sina import Papi Sarr, JD Tungcab at Jerome Garcia kasama ang ilang bagito.
Sa 79th UAAP season sa ay inaasahang makakatapat ni Pumaren ang kanyang ‘manong’ na si Derrick Pumaren na coach naman ng University of the East.
- Latest