Wagdos, Miranda nalo sa Davao Milo Marathon
DAVAO CITY , Philippines – Hindi naging sagabal para kina Sonny Wagdos at Judelyn Miranda ang pagbabago ng ruta para pangunahan ang 21-kilometer event ng National Milo Marathon qualifying leg dito kahapon.
Nagsumite si Wagdos ng oras na 01:15:25 para talunin sina Michael Achalico (01:15:56) at Manny Marfil (01:19:34) sa men’s division.
Inangkin naman ni Miranda ang korona sa wo-men’s class nang maglista ng tiyempong 1:32:57 at ungusan sina Madelyn Carter (01:48:19) at Hazelvic Villanueva (01:52:07).
“Medyo nangapa sa ruta, pero wala namang na-ging epekto sa akin,” wika ni Wagdos.
Kapwa ibinulsa nina Wagdos at Miranda ang top prize na P10,000 pati na ang tiket para sa National Milo Marathon Finals na nakatakda sa Dis-yembre 6 sa Angeles, Pampanga kung saan nila makakaharap ang mga elite runners.
Bagama’t awtomatiko nang pasok sa National Finals ay kumarera pa rin ang nagdedepensang Marathon King na si Rafael Poliquit.
Ang tatanghaling Milo Marathon King at Queen ang ipapadala sa United States at mabibigyan ng tsansang tumakbo sa 2016 Boston Marathon.
Ito ang ikalawang Milo Marathon qualifying leg title ng 21-anyos na si Wagdos, isang 4th year student ng Uni-veristy of Mindanao at pangarap na makamit ang kanyang kauna-unahang National Finals crown.
Nakuha naman ni Miranda ang kanyang pang-anim na regional leg crown kung saan ang tatlo ay sa kanyang panalo sa Butuan at tatlo sa tagumpay niya sa Davao.
- Latest