Pang-national team na volleyball players lilimitahan ng LVPI sa paglalaro
MANILA, Philippines – Nagpaplano ang Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) na limitahan ang laro ng mga mahuhusay na manlalaro sa volleyball para may maibigay kapag ipinadala sila sa malalaking kompetisyon sa labas ng bansa bilang national players.
Sa pagdalo ni LVPI vice president Peter Cayco sa PSA Forum sa Shakey’s Malate, kanyang ibinulalas ang planong payagan lamang ang mga may potensyal na volleyball players na makukuha sa bubuuing national pool na maglaro lamang sa pool at sa paaralang pinapasukan.
Pinag-iisipan na ng LVPI ang bagay na ito dahil nakikita nila na ang mga napiling national players na inilaban sa SEA Games sa Singapore ay ubos na at puno na ng injuries dahil sa dami ng ligang sinasalihan.
“Nakita natin sa SEA Games mga burnout at maraming injuries ang mga bata dahil maraming pinag-lalaruan eh. So we plan to put up a national training pool and they will only play sa kanilang schools at ang pinaka-club team nila ay ang pool,” wika ni Cayco.
Ang model na ito ay tulad sa ginagawa sa national basketball team na pinagsama-sama ang mga manlalaro sa loob ng ilang buwan at inilalahok sa mga torneo bilang isang team.
“Same like Gilas, isasali rin namin ang pool sa ibang tournaments. We plan to tap sponsors to support the team at kahit hindi malaki (allowance), but they will be playing for the country and at the same time earn something,” paliwanag pa ni Cayco na kinakatawan ang NCAA sa LVPI bilang representative ng Arellano University.
Plano rin ng LVPI na magpalaro ng U-19 tournament sa buong bansa para matiyak na ang pinakamahuhusay na manlalaro ang makakasama sa pool.
Magpupulong ang LVPI sa Disyembre at balak nilang isulong ang programa sa bandang Enero o Pebrero para magkaroon ng sapat na panahon ang pool na mapaghandaan ang 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang pagbuo ng pool ay pinagpaplanuhan matapos ang matagumpay na Level 2 coaching seminar na hi-nawakan ng mga FIVB instructors mula China at Iran.
“Ang impression ng mga Filipino coaches na suma-li ay marami na talagang bago sa volleyball at marami silang natutunan,” wika ni Atty. Ramon Malinao, ang LVPI chairman ng coaches commission, na nasa Forum din kasama ang Level 3 coach na si Louie Hugo. (AT)
- Latest