Team Visayas muling nagkampeon sa Milo Little Olympics National Finals
MANILA, Philippines - Tatlong taon ang hinintay ng Team Visayas bago muling makamit ang overall champions ng nakaraang 2015 Milo Little Olympics National Finals.
Nag-agawan para sa gintong medalya ang higit sa 1,200 atleta na kumatawan sa kanilang mga paaralan sa naturang three-day event na idinaos sa Sta. Cruz, Laguna.
Ang mga sports events na inilatag ay ang athletics, badminton, basketball, chess, football, gymnastics, lawn tennis, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, sepak takraw at scrabble.
Matapos magkampeon sa national finals ng tatlong sunod na taon noong 2009, 2010 at 2011 ay isinuko ng Team Visayas ang korona sa Team NCR-South Luzon na nagdomina noong 2012, 2013 at 2014.
Inungusan ng Team Visayas ang Team NCR-South Luzon ng 2.5 overall championship points.
Isinalang ng Team Visayas ang kanilang mga student-athletes mula sa Iloilo, Bohol, Dumaguete, Aklan, Capiz, Rojas, Guimaras at Antique at tumapos na may kabuuang 577 overall championship points.
Pumangalawa naman ang Team NCR-South Luzon (574.5) kasunod ang Mindanao (422) at North-Central Luzon (316.5).
Sa secondary division, nanguna ang mga Bisdaks sa individual at team sports kagaya ng football, volleyball, taekwondo, badminton at chess.
Inangkin ng Team Visayas ang top spot sa kinolektang 306.5 points sa itaas ng NCR-South Luzon (295.5), Mindanao (196.5) at North-Central Luzon (149.5).
Sa elementary division, nanguna naman ang NCR-South Luzon sa athletics, badminton, sepak takraw, table tennis at volleyball para sa kabuuang 279.5 points kasunod ang Team Visayas (270.5), Mindanao (225.5) at North-Central Luzon (167).
Kabuuang 23 records ang nabasag, habang 14 bagong marka ang inilista sa athletics at siyam sa swimming.
“We at Milo would like to congratulate all our little champions who have shown great dedication and excellence in their sports. You have truly made all of us proud,” sabi ni Robbie De Vera, ang Milo Sports Executive, sa mga nanalo.
- Latest