Japanese top seed duo tinalo nina Alcantara at Arcilla para sa titulo
MANILA, Philippines – Pinatunayan ni Francis Casey Alcantara ang kanyang pagiging isang doubles specialist.
Ito ay nang makipagtulungan si Alcantara kay Johnny Arcilla para pabagsakin sina top-seeded Japanese duo Katsuki Nagao at Hiromasa Oku, 6-2, 6-2, at angkinin ang korona ng 34th Philippine Columbian Association Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 kahapon sa PCA Plaza Dilao clay courts sa Paco, Manila.
Naging inspirado sa paglalaro si Alcantara, isang dating doubles champion sa Australian Juniors Open, habang ipinakita naman ni Arcilla ang kanyang pagiging beterano.
Nakapasok sina Alcantara at Arcilla sa event bilang wildcard.
“I’m just happy to win in front of my countrymen,” sabi ng 23-anyos na si Alcantara na naglaro sa college tennis sa US NCAA Division 1 Pepperdine.
Isa naman ito sa mga malalaking panalong nakamit ng 35-anyos na si Arcilla.
Dahil sa kanilang tagumpay ay nakuha sina Alcantara at Arcilla ang premyong $930.
Nauna nang tinalo nina Alcantara at Arcilla sina Jeson Patrombon at Cheng Yu Yu ng Chinese Taipei, 6-2, 6-2; bago isinunod sina Elbert Anasta at PJ Tierro, 6-4, 6-2; at sina Japanese Soichiro Moritani at Masato Shiga, 6-1, 6-3.
Sa single’s division, itinakda nina top seed Enrique Lopez-Perez ng Spain at No. 3 Kento Takeuchi ng Japan ang kanilang title duel ngayong alas-10 ng umaga.
- Latest