Lady Sailors biniktima ang Lady Dolphins
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. – Army vs UP
3 p.m. – PLDT vs Kia Forte
MANILA, Philippines – Gumana ang pag-atake ng Philippine Navy Lady Sailors para katampukan ang 25-20, 25-23, 25-21 panalo sa Coast Guard Lady Dolphins sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Lilet Mabbayad at Pau Soriano ay may 15 at 10 kills para pamunuan ang 20 kills na agwat sa Coast Guard, 42-22, tungo sa 1-1 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
May 18 puntos si Mabbayad kasama ang 2 blocks at isang ace, habang si Soriano ay may 11 puntos para ipalasap sa Lady Dolphins ang ikalawang sunod na pagkatalo.
Nagdomina ang Coast Guard sa blocks, 4-3, at serve, 5-2, at mayroong 26 errors laban sa 34 ng Navy.
Ngunit ininda nila ang mahinang depensa sa atake ng kalaban para malagay na sa alangain ang hangaring umabante sa semifinals.
Anim na koponan lamang ang kasali sa liga at single-round robin lang ang elimination round at ang mangungunang apat na koponan ang magpapatuloy ng laban sa titulo.
Samantala, sinilat ng bagitong Sta. Elena ang PLDT Home Ultera Fast Hitters, 25-22, 25-21, 14-25, 29-27, para sa una nilang panalo sa Spikers’ Turf.
Si Arjay Onia ay may 15 kills at 2 aces para sa kanyang 17 puntos, habang si Myco Antonio ay may 12 puntos at sina Rocky Hondrade, Alnasip Laja at Ace Mandani ay nagsanib sa 22 puntos para sa Sta. Elena.
- Latest