2015 World Cup of Pool: Biado, Kiamco tandem maganda ang simula
MANILA, Philippines - Nakitaan ng magandang samahan sina Carlo Biado at Warren Kiamco nang tinalo sina Ruslan Chinakhov at Konstantin Stepanov ng Russia, 7-4 sa unang round ng 2015 World Cup of Pool sa York Hall sa London.
Sumulong ang mga Filipino cue artists at second seed sa kompetisyon sa 2-0 panimula para magkaroon ng kumpiyansa at umabante pa sa kompetisyong nilahukan ng 32 koponan.
Ito ang unang pagkakataon na sina Biado at Kiam-co ay naglalaro sa torneo at hanap nila na ibigay sa Pilipinas ang ikaapat na kampeonato.
Sina Efren Reyes at Francisco Bustamante noong 2006 at 2009 habang sina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ang nanaig noong 2013.
“Philippines has a very good history in the World Cup of Pool and for us, this is our first time as a pair to be picked to play here and we are doing our best to win it again for Philippines,” wika ni Kiamco.
Sunod na kalaro nina Kiamco at Biado sa Last 16 ang mananalo sa pagitan nina Mark Gray at Daryl Peach ng England B at Marcus Chamat at Christian Sparrenloev-Fisher ng Sweden.
Umabante rin ang nagdedepensang kampeong sina Darren Appleton at Karl Boyes ng England A nang itala ang 7-5 panalo laban kina Robby Foldvari at Chris Calabrese ng Australia.
Nasilat naman sina sixth seed Shane Van Boening at Mike Dechaine ng USA nang matalo sila nina Waleed Majid at Bashar Hussain ng Qatar, 5-7.
- Latest