Puwede na si Durant
OKLAHOMA CITY – Handang-handa nang maglaro si Kevin Durant para sa darating na season.
Napanood ang 2013-14 NBA MVP at scoring champion sa 27 games para sa Thunder sa nakaraang season dahil sa nabaling buto sa kanyang kanang paa.
Sinabi ni Thunder general manager Sam Presti na matapos ang tatlong procedures ay magsisimula nang sumama si Durant sa training camp sa susunod na linggo.
“He’s been playing without restriction, five on five, competing as normal,’’ wika ni Presti.
Sumailalim si Durant sa operasyon noong Oktubre at muling nag-laro noong Disyembre na sumasakit pa ang paa.
Inalis ang turnilyong kumikiskis sa nasabing mga buto ni Durant noong Pebrero, ngunit may naramdaman pa rin siyang kirot kaya kumonsulta si Durant sa tatlong foot and ankle specialists.
Noong Marso ay nagkaroon si Durant ng bone graft.
“It’s great to have him back on the floor,’’ wika ni Presti. “I’m happy for him because he’s been so committed and so disciplined.’’
Idinagdag pa ni Presti na oobserbahan ng kanyang staff ang ikikilos ni Durant sa training camp.
“With any of our players that are coming off injuries, we’re going to be watching, managing practice, recovery time,’’ ani Presti. “In terms of limitations, he doesn’t have any. He looks great.’’
Nagtala si Durant ng mga averages na 25.4 points, 6.6 rebounds at 4.1 assists sa nakaraang season.
Dahil hindi niya nabuo ang season ay nabigo ang Thunder na makapasok sa playoffs sa kabila ng pangunguna ni Russell Westbrook.
- Latest