Jose Rizal sinilat ang Letran
MANILA, Philippines - Kasabay ng paglalaglag sa Letran College sa ikalawang puwesto ay pinatibay ng Jose Rizal University ang kanilang tsansa sa Final Four.
Nagposte si guard John Paolo Pontejos ng 21 points, 5 assists at 3 rebounds para tulungan ang Heavy Bombers sa 86-80 paggitla sa Knights sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Kinuha ng Jose Rizal ang kanilang pang-siyam na panalo sa 15 laro at inilaglag ang Letran (11-4) sa ikalawang posisyon sa ilalim ng five-peat champions na San Beda (11-3).
“We won the game because of our execution,” sabi ni coach Vergel Meneses.
Nakalapit ang Knights sa 80-84 agwat sa huling 12.9 segundo mula sa 13-point deficit bago selyuhan ni Tey Teodoro ang panalo ng Heavy Bombers sa kanyang dalawang free throws sa natitirang 10.7 segundo.
Ipinoste naman ni pro-bound Earl Scottie Thompson ang kanyang ikaanim na triple-double ngayong season para tulungan ang Perpetual Altas sa 70-47 panalo laban sa talsik nang St. Benilde Blazers.
Tumapos si Thompson na may 21 points, 10 rebounds at 10 assists para sa 10-4 baraha ng Altas na lumakas ang pag-asa sa Final Four kasabay ng pagpapalasap sa Blazers ng ika-12 kabiguan sa 15 laro.
Kaagad na kinontrol ng Perpetual ang laro matapos ilista ang 40-19 bentahe sa halftime at tuluyan nang iniwanan ang St. Benilde sa pagkuha sa 51-35 kalamangan papasok sa fourth quarter.
Nagdagdag sina Nigerian imports Bright Akhuetie at Prince Eze ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, para sa ikalawang sunod na panalo ng Altas.
Humakot naman si 6’9 Nigerian center Allwell Oraeme ng 15 points at 30 rebounds para muling pangunahan ang Mapua Cardinals sa 81-76 panalo kontra sa Arellano Chiefs.
Ito ang ikaanim na sunod na arangkada ng Cardinals, muling ginabayan ni assistant Ed Cordero dahil sa two-game suspension kay coach Atoy Co, para sa tsansang makapasok sa Final Four.
- Latest