Blue Eagles, Warriors nakabawi
MANILA, Philippines – Nakita ang larong inaasahan sa Ateneo Blue Eagles, ngunit patuloy ang kawalan ng kinang sa panig ng nagdedepensang National University Bulldogs matapos ang magkaibang kapalaran sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kuminang ang mga laro nina Von Pessumal at Aaron Black para suportahan si Kiefer Ravena at angkinin ng Blue Eagles ang 84-60 panalo sa Adamson Falcons.
Ang panalo ay nagbangon sa tropa ni coach Bo Perasol mula sa 64-88 pagkakadurog sa FEU Tamaraws.
Si Ravena ay may 24 puntos, habang nag-ambag sina Pessumal at Black ng 12 at 11 puntos.
May siyam na puntos si Pessumal, habang dalawang dikit na triples ang naihatid ni Black sa ikatlong yugto na dinomina ng Ateneo, 28-18, para ang anim na puntos kalamangan sa halftime ay lumawig sa 62-48 papasok sa huling yugto.
Hindi naman napangatawanan ng Bulldogs ang pagbangon mula sa double-digits na pagkakalubog nang bumigay sila sa huli para ipagkaloob sa UE Warriors ang 76-71 panalo sa ikalawang laro.
Sina Edgar Charcos at Pau Varilli ay nagpakawala ng magkasunod na triples, habang dalawang dikit na free throws ang hatid ni Edison Batiller sa huling 18 segundo para ipreserba ng Red Warrios ang kanilang unang panalo sa dalawang laro. (AT)
- Latest