SBP naniniwalang makakalaro si Clarkson sa FIBA Asia meet
TAIPEI – Nananatiling kumpiyansa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na makakasama si Fil-Am NBA player Jordan Clarkson para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2015 FIBA Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang 3 sa Changsha, China.
“It’s still a work in progress but with better clarity,” sabi ni SBP vice chairman Ricky Vargas matapos makausap sina Los Angeles Lakers team president Jeanie Buss at general manager Mitch Kupchak sa LA.
Ayon kay Vargas, payag ang mga Lakers officials na maglaro si Clarkson para sa national team sa long-term program.
Ngunit hindi pa malinaw kung papayagan si Clarkson na maglaro sa Asian meet dahil pag-uusapan pa ito ng mga Lakers coaches lalo na at nakatakda ang kanilang media day sa Setyembre 28 kasunod ang training camp sa Hawaii sa Setyembre 29 hanggang Oktubre 7.
Sa Asian meet, ang Oktubre 1 hanggang 3 ay para sa quarterfinals, semifinals at final.
“They requested some time to talk to the Lakers coaches,” ani Vargas.
Idinagdag din ni Vargas na naging positibo ang kanilang pakikipag-usap sa ama ni Clarkson na si Mike.
“(He’s) appreciative of reception his son received from the Filipino basketball fans and from Gilas Pilipinas team,” sabi ni Vargas kay Mike.
“They asked to review the arrangement and wanted assurance that we secure Lakers permission to allow him to skip three days of training camp,” dagdag pa ng SBP official.
Kailangan ding mapanalisa ng SBP ang Final 12 para sa FIBA Asia Championship dahil ang deadline ay nakatakda sa Setyembre 8.
Habang nakausap na nina Vargas at PBA board member Patrick Gregorio ang mga Lakers officials at ang ama ni Clarkson sa Los Angeles, nasa Geneva, Switzerland naman si SBP executive director Sonny Barrios para makakuha ng FIBA clearance ni Clarkson bilang isang regular Gilas player.
Isinama si Clarkson sa 24-man Gilas pool na isinumite ng SBP sa FIBA Asia.
- Latest