Dikdikan ang labanan ng mga hinete
MANILA, Philippines - Dahil walang kabayo ang masasabing nagdodomina sa race tracks sa unang pitong buwan kaya’t dikit-dikit din ang kitaan ng mga hinete.
Apat na jockeys ang may tig-dalawang milyon nang kita habang 10 iba pa ang pumasok na sa millionaire’s list para matiyak na magiging dikdikan ang labanan para sa winningest jockey sa taong 2015.
Nangunguna si Mark Alvarez na may 112 panalo sa 539 takbo bukod pa sa 108 segundo, 69 tersero at 60 kuwarto puwesto tungo sa P2,449,151.41 premyo.
Ilang libong piso naman ang layo nina Fernando Raquel Jr., Jonathan Hernandez at Jeff Zarate para sa pangalawa hanggang pang-apat na puwesto.
Si Raquel ang siyang may pinakamaraming sakay sa 573 ngunit nasa 89 kabayo lamang ang kanyang naipanalo. Isama pa ang 101 segundo 94 tersero at 75 kuwarto puwesto para sa P2,093,553.37.
Si Hernandez ay kumabig na ng P2,062,127.47 sa 417 takbo na kinakitaan ng 94 panalo, 60 segundo, 63 tersero at 52 kuwarto puwestong pagtatapos habang si Zarate ay may P2,042,749.09 kita sa 392 sakay at may 104 panalo bukod pa sa 70, 59 at 44 pangalawa hanggang pang-apat na pagtatapos.
Inaasahang papasok na sa two million list si Pat Dilema na nasa ikalimang puwesto sa P1,719,976.85 sa 404 takbo.
May ganito ring bilang ng sakay si Kevin Abobo pero angat si Dilema sa panalo, 74 laban sa 58 ni Abobo para malagay ito sa pang-anim sa P1,685,799.18 kita. Si Christian Garganta ang nasa ikapitong puwesto sa P1,320,590.52 mula sa 314 takbo (70-52-36-33). (AT)
- Latest