Salacious wagi sa Handicapping System
MANILA, Philippines — Napahirapan ang second choice favorite na Salacious bago nasungkit ang panalo sa Philracom Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf sa Malvar, Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Paglabas ng aparato ay sinunggaban kaagad ng Salacious ang unahan, ngunit kinapitan ito ng Frugality na siyang nagpahirap sa buong karera.
Sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema, lamang ang Salacious ng isang leeg sa Frugality sa kalagitnaan ng karera.
Patuloy na nilulutsa ng Frugality ang Salacious sa far turn kaya naman pagsapit ng huling kurbada ay nasa kalahating kabayo na lang ang lamang ng winning horse.
Nakalamang ng dalawang kabayo ang Salacious sa Frugality, subalit naging mainitan pa rin ang labanan dahil rumeremate pa ang Glenamoon.
Subalit nanatili ang tikas ng Salacious at nanalo ng may dalawa’t kalahating kabayong agwat sa pumangalawang Frugality, pangatlo ang Glenamoon, habang pang-apat ang Morning After.
Inirehistro ng Salacious ang tiyempong 1:25 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner Patrick Uy ang P10,000 added prize.
Nakopo naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500, habang may P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest