NU, NCBA agawan sa q’final slot
MANILA, Philippines - Ikalawang upuan sa quarterfinals sa Group A ang paglalabanan ng National University Bulldogs at NCBA Wildcats sa Spikers’ Turf Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Nakatiyak na ng upuan sa susunod na round ang NCAA champion Emilio Aguinaldo College Ge-nerals (Group A) at UAAP champion Ateneo Eagles (Group B) sa 3-0 karta.
Ang labanan ng Bulldogs at Wildcats ay mapapanood dakong alas-3 ng hapon at malalaman kung magiging bentahe sa Wildcats ang mga guest players na sina Edwin Tolentino at Reyson Fuentes na mga dating manlalaro ng Bulldogs.
Unang salpukan sa ganap na alauna ng hapon ay sa pagitan ng Arellano Chiefs at St. Benilde, habang ang huling laro sa alas-5 ay sa hanay ng La Salle Archers at La Salle-Dasmariñas Patriots.
Parehong may 0-2 karta ang Chiefs at Patriots sa Group B kaya inaasahang ilalabas na nila ang lahat ng makakaya dahl ang isa pang pagkatalo ay maglalagay sa peligro ang hangaring maging palaban pa sa titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Galing din sa talo ang Blazers sa kamay ng UP Maroons noong Hulyo 20 sa larong umabot sa apat na sets at asahan na paghuhusayan pa ni Johnvic De Guzman para tumatag ang kanilang paghahabol.
- Latest