Cebuana, KeraMix agawan sa liderato
MANILA, Philippines – Paglalabanan ngayon ng Cebuana Lhuillier Gems at KeraMix Mixers ang liderato habang pangalawang dikit na panalo ang nais ng Cagayan Rising Suns sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sa ganap na alauna ng hapon mapapanood ang nasabing tagisan at ikatlong sunod na panalo ang makukuha ng papalarin sa tagisan.
Umani ang Gems ng 86-85 at 118-78 panalo laban sa Café France Bakers at MP Hotel Warriors, ayon sa pagkakasunod para maipakita ang pagiging team-to-beat sa season-ending conference ng D-League.
Hindi pa naman tanggap ni Gems coach David Zamar ang taguri sa koponan na lumakas sa pagpasok ni 6’7” Fil-Tongan Moala Tautuaa.
Pero hindi ito mangangahulugan na hindi magsisikap ang Gems para lalo pang gumanda ang ipinakikita sa liga.
“Nakikita na ngayon ang team work at may team chemistry na. Nananalig ako na magpapatuloy ito,” wika ni Zamar.
Masasabing unang matinding pagsubok ito para sa Mixers na inilampaso ang MP Hotel, 87-60 at ATC Liver Marin-San Sebastian College, 89-71.
“For us to have a good chance of winning, we have to contain Tautuaa,” wika ni KeraMix coach Caloy Garcia.
Katipan ng Rising Suns ang MP Hotel Warriors sa ikalawang laro dakong alas-3 ng hapon at patok na mapalawig sa 2-0 ang kasalukuyang karta.
- Latest