Accel PBA Press Corps player of the week
MANILA, Philippines - Bagama’t malaki ang naging produksyon ni import Ivan Johnson para makamit ng Talk ‘N Text ang No. 2 seat sa quarterfinals, hindi pa rin matatawaran ang naitulong ni local big man Ranidel de Ocampo sa kanilang kampanya sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Ang 6-foot-5 slotman ang naging lider ng Tropang Texters na nais ma-kabawi sa 0-4 kabiguan sa nakaraang Philippine Cup semifinal series kontra sa San Miguel Beer na siyang nagkampeon.
Nagposte si De Ocampo ng mga averages na 18.5 points at 5.5 points sa mga panalo ng Talk ‘N Text sa San Miguel, 113-93 at sa Alaska, 101-93 para tapusin ang eliminations tangan ang 8-3 record.
Humakot ang produkto ng St. Francis of Assissi ng 17 points at nakipagtuwang kay Johnson sa kanilang ratsada sa se-cond half para talunin ang Beermen.
Matapos ang apat na araw ay tumipa si De Ocampo ng 20 points at 8 rebounds sa pagharap ng Talk ‘N Text sa Alaska.
Dahil sa kanyang mga kabayanihan, hinirang ang 33-anyos na si De Ocampo bilang Accel-PBA Press Corps. Player of the Week.
Inamin ng 11-year PBA veteran na nag-adjust ang Tropang Texters sa pagdating ni Johnson bilang kapalit ni reigning Best Import Richard Howell noong Pebrero.
“Yung team namin marami ring bago pero kahit paano, malaking tulong si Ivan kasi nagagawan namin ng paraan,” ani De Ocampo.
- Latest