Sasalang na ang Hapee
MANILA, Philippines – Gustong makisalo ng Tanduay Light Rhum Masters sa liderato habang sisimulan ng Hapee Fresh Fighters ang kampanya para sa ikalawang sunod na titulo sa PBA D-League Foundation Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Nais ng Rhum Masters na sundan ang 79-61 demolisyon sa Jumbo Plastic Giants sa pagharap sa Café France Bakers sa ganap na alauna ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Fresh Fighters at Giants dakong alas-3.
Nakitaan ang tropa ni coach Lawrence Chongson ng magandang pagtutulungan para sa magarang panimula.
“With an intact line-up and new found chemistry, I believe we can compete against the league elite,” wika ni Chongson.
Masusukat sila ng Bakers na naungusan lamang ng Cebuana Lhuillier Gems, 85-86. Lumamang ng hanggang 20 puntos ang Bakers sa larong ito pero naubos sila sa huling yugto para lumasap ng masakit na pagkatalo.
Sina Maverick Ahan-misi, Joseph Serudifa at Josan Nimes ang mga magdadala sa Bakers at ipantatapat sa kanila ng Tanduay sina Roi Sumang, Jaypee Belencion at Aljon Mariano.
Ipaparada ng Hapee ang bagong bihis na koponan at puntirya ang magandang panimula sa hangaring walisin ang dalawang titulo na pagla-labanan sa taon.
Wala na sa tropa ni coach Ronnie Magsanoc ang San Beda players sa pangunguna ni Ola Adeo-gun habang hindi pa tiyak kung makakalaro ang mga shooters na sina Bobby Ray Parks Jr. at Garvo Lanete.
Si Troy Rosario at Earl Scottie Thompson ang magdadala sa koponan bunga ng karanasang nakuha sa Finals pero kaila-ngan ang suporta ng ibang kakampi tulad nina Arnold Van Opstal, Kirk Long, Chris Newsome bukod sa mga baguhan na sina Mike Gamboa, Leo Gabo, Mark Lopez, Mark Romero, Arvie Bringas at Mar Villahermosa. (AT)
- Latest