Filipino Davis Cuppers dinomina ang Sri Lankans
MANILA, Philippines – Tiniyak nina Fil-Am Treat Huey at Francis Casey Alcantara na mananatili ang Pilipinas sa Group II ng Davis Cup Asia Oceania Zone.
Ito ay matapos umiskor sina Huey at Alcantara ng 3-6, 6-3, 6-2, 6-4 panalo laban kina Sharmal Dissanayake at Dineshkanthan Thangarajah ng Sri Lanka sa doubles match kahapon sa Valle Verde Golf and Country Club sa Pasig City.
Matapos isuko ang first set ay kumamada sina Huey at Alcantara sa second set para ibigay sa bansa ang pang-siyam na sunod na panalo kontra sa Sri Lanka sa kanilang head-to-head.
Ipinoste ng mga Filipino Davis Cuppers ang 3-0 bentahe sa kanilang best-of-five tie ng mga Sri Lankans matapos kunin ang naunang dalawang laro sa singles.
“To their credit, they (Dissanayake at Thangarajah) played really well in the first set while we’re a little tight,” sabi ni Alcantara, athletic scholar sa Pepperdine University.
Ang tambalan nila ni Huey ay may 3-0 karta sa Davis Cup.
“Thankfully, we found our rhythm in time,” dagdag ng netter na umiskor ng 5-7, 3-6, 6-4, 6-0, 6-3 panalo kay Harshana Godamanna sa unang singles noong Biyernes.
Tinalo naman ni Fil-Am Ruben Gonzales si harmal Dissanayake, 6-3, 6-2, 6-1, sa ikalawang singles match.
May pagkakataon ang Pilipinas na makabalik sa Group 1 sa kanilang pagsagupa sa mananalo sa Chinese-Taipei at Lebanon sa semifinals sa darating na Hulyo.
- Latest