U-22 Azkals kasama sa Singapore SEA Games
MANILA, Philippines - Lalaban ang Philippine Under-22 Azkals sa football competitions ng Southeast Asian Games in Singapore.
Sinabi ni Chef de mission Julian Camacho na binuksan ng Philippine Olympic Committee SEA Games management committee ang pinto para sa mga Pinoy booters para mu-ling makalaro sa biennial games matapos maitsapuwera noong 2013.
“There are eight or nine players from the Azkals who are under-23 and maganda naman performance nila so bibigyan natin sila ng chance,” sabi ni Camacho na siya ring namumuno sa management committee na nag-i-screen ng contingent, sa PSA Forum kahapon.
“In a sense, they’ve not been joining the SEA Games (in many editions), so we’ll give them the chance to prove themselves in Singapore,” dagdag ni Camacho.
Hindi nakalaro ang Pinoy booters noong 2013 SEA Games sa Myanmar matapos ‘di payagan ng POC na makasama sa delegation.
Sinabi ng Philippine Football Federation (PFF) na handa silang magpadala ng competitive team sa Singapore SEAG na palalakasin nina Azkals mainstays Amani Aguinaldo at Daisuke Sato.
Mabigat ang magiging laban ng Pinoy booters dahil kasali ang koponan ng Thailand na naghari sa Asean Football Federation (AFF) Suzuki Cup noong nakaraang taon.
Huling sumali ang Pinas sa football competition ng SEAG noong 2011 sa Indonesia, kung saan pang-anim at kulelat sila sa Group B na may tatlong puntos mula sa isang panalo at 4-talo.
Bago ang Singapore SEAG, sinabi ni PFF president Nonong Araneta na sasali ang U-22 Azkals sa qualifiers para sa 2016 Asian Football Confederation U-23 championship sa March sa Thailand na magiging bahagi ng kanilang paghahanda para sa biennial meet.
Ang U-22 Azkals ay kasama sa Group G na kinabibilangan ng North Korea, host Thailand at Cambodia kung saan target nila ang Top 2 para lumakas ang kanilang tsansang makapasok sa final round kung saan tatlong slots ang nakataya para sa Rio Olympics. (OL)
- Latest