Rumesbak ang Painters sa Aces
MANILA, Philippines - Hindi naiwasan ni head coach Yeng Guiao na mainis sa Araw ng Pasko.
Ito ay dahil sa ginawang pagsuntok ni Alaska forward Calvin Abueva sa sikmura ni guard Jonathan Uyloan habang papatawid ng midcourt at angat ang Rain or Shine sa 92-89 sa huling 1:44 minuto sa fourth quarter.
“We were helped a lot by the stupid move of Abueva. But we cannot rely on him making his stupid moves. We have to do it on our own,” sabi ni Guiao matapos talunin ng kanyang Elasto Painters ang Aces, 98-91, sa Game Four para itabla ang kanilang semifinals duel sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang naturang aksyon ni Abueva ay nagresulta sa kanyang Flagrant Foul Penalty 2 at inaasahang ipapatawag ngayong umaga ni PBA Commissioner Chito Salud sa kanyang opisina.
Tumapos si Jeff Chan na may season-high na 25 points na tinampukan ng kanyang 5-of-10 shooting sa three-point range, para itabla ang Rain or Shine sa 2-2 sa kanilang best-of-seven semifinals series ng Alaska.
“We just stayed tough even though they had most of the lead,” ani Guiao.
Nakabawi ang Elasto Painters mula sa 58-69 agwat sa dulo ng third period nang maagaw ang unahan sa 86-82 sa huling 4:32 minuto ng final canto.
Matapos naman ang naturang F2 foul kay Abueva ay nagsalpak si Gabe Norwood ng isang three-point shot para ilayo ang Rain or Shine sa Alaska, 95-89, sa 1:29 minuto ng laro.
Ang dalawang split ni Erik Menk ang naglapit sa Aces sa 91-96 agwat sa natitirang 12.6 segundo kasunod ang dalawang free throws ni Paul Lee sa huling 11.3 segundo para selyuhan ang panalo ng Elasto Painters.
- Latest