Meralco nakaligtas sa 2OT
MANILA, Philippines - Nagtuwang sina Reynel Hugnatan, Cliff Hodge at John Wilson sa second overtime para pamunuan ang Meralco sa 112-108 panalo kontra sa Barako Bull sa unang double overtime game ng 2014 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bumangon ang Bolts mula sa 15-point deficit sa second period laban sa Energy para iposte ang unang panalo sa ilalim ng bagong head coach na si Norman Black.
“That was a well-earned victory for us. We tried to take away their rhythm off their offense,” sabi ni Black sa Barako Bull ni mentor Koy Banal.
Isinalpak ni Gary David ang dalawang free throws para itabla ang Bolts sa 90-90 sa huling 13.6 segundo patungo sa unang overtime.
Naagaw ng Energy ang kalamangan sa 97-96 buhat sa three-point shot ni RR Garcia sa 1:40 minuto.
Naikonekta ni Mike Cortez ang isang free throw na nag-angat sa Meralco sa 101-99 sa natitirang 6.0 segundo kasunod ang drive ni Lanete para itabla ang Barako Bull sa 101-101 para sa ikalawang extension period.
Nagtulungan sina Hugnatan, Hodge at Wilson para igiya ang Bolts sa 110-105 paglayo sa huling 19.1 segundo, habang naidikit ni Garcia ang Energy sa 108-110 mula sa kanyang tres sa huling 5.3 segundo.
Ang dalawang free throws ni Hugnatan, tumapos na may 28 points kasunod ang 14 ni Anthony at 13 ni Wilson, ang sumelyo sa tagumpay ng Meralco.
MERALCO 112 - Hugnatan 28, Anthony 14, Wilson 13, Atkins 10, Hodge 10, Ferriols 10, Dillinger 7, David 6, Cortez 4, Sena 4, Guevarra 4, Morrison 2, Buenafe 0, Ildefonso 0, Macapagal 0.
Barako Bull 108 - Lanete 21, Intal 20, Wilson 16, Miranda 15, Garcia 14, Lastimosa 6, Pennisi 5, Marcelo 4, Pascual 4, Fortuna 3, Salva 0, Salvador 0, Paredes 0.
Quarterscores: 19-25; 45-54; 71-76; 90-90; 101-101 (1st OT); 112-108 (2nd OT).
- Latest