May gold na ang Phl team 1-bronze pa sa taekwondo
INCHEON, South Korea – Dumating kahapon ang pinakahihintay na gintong medalya na inihatid ni BMX rider Daniel Caluag upang bigyang kinang ang kampanya ng Team Philippines sa 17th Asian Games kahapon.
Mula sa seeding run ay itinatak agad ni Caluag ang kanyang husay laban sa pitong iba pang katunggali bago pinangunahan ang tatlo pang karera sa Ganghwa Asiad BMX Track tungo sa gintong medalya.
Ang panalo ng 2013 SEA Games gold medalist ay magandang regalo kay Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia na nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon.
Nagkaroon pa ng isang bronze medal ang taekwondo na hatid ni Mary Anjelay Pelaez na nakarating sa semifinals ngunit hindi kinaya ang husay ng Koreanang si Sohui Kim (14-2) sa women’s -46kg.
Sumalang din sina Pauline Louise Lopez at Christian dela Cruz sa women’s -57kg at men’s -80kg, ayon sa pagkakasunod pero bigo sila na makapag-ambag ng medalya.
Sa kasalukuyan ay may isang ginto, dalawang pilak at limang bronze medal na ang Pilipinas papasok sa huling dalawang araw ng kompetisyon.
May posibilidad pang madagdagan ang gintong medalya dahil apat na boksingero ang sasalang ngayon sa semifinals na sina light flyweight Mark Anthony Barriga, bantamweight Mario Fernandez, lightweight Charly Suarez at Wilfredo Lopez sa 75kg class.
Target ng 150-Pambansang atleta ang mahigitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze na nasungkit noong 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Hindi naman nakalusot ang tambalang Jhonmar Arcilla at Noelie Conchita Zoleta matapos yumuko sa Chinese pair na sina Mo Zhou at Hui Chen sa quarterfinal round ng soft tennis mixed doubles event.
Namaalam din si Jason Balabal nang talunin ni Azat Beishebekov ng Kyrgyztan sa quarterfinals ng men’s Greco-roman 85kg wrestling event.
Nakawala naman sa Blu Girls ang bronze me-dal nang mabokya sa China 3-0 sa softball event.
Puwede pa ring asahan ang mga bowlers na luma-laban pa.
- Latest