Pinilit ng Gilas, pero ‘di umabot
INCHEON, South Korea – Sa wakas ay nakatikim ng panalo ang Gilas Pilipinas matapos ang tatlong sunod na kabiguan ngunit walang naram-damang pagdiriwang sa tagumpay na ito.
Nagtala ang Gilas ng 67-65 panalo laban sa Kazakhstan sa pagtatapos ng quarterfinals ng Asian Games men’s basketball kahapon sa Hwaseong Gymnasium dito.
Ngunit hindi ito sapat dahil tuluyan na silang napatalsik sa medal contention.
Kulang ang 2-puntos na panalo ng mga Pinoy cagers para makasulong sa semifinals.
Para magkaroon ng tsansa na umabante, tinalo dapat ng Gilas ang Kazakhstan ng hindi bababa sa 11 puntos para hawakan ang pinakamagandang quotient kapag nagkuwentahan bunga ng 3-way tie sa 1-3 karta sa pagitan ng Pilipinas, Kazakhstan at Qatar.
Tila maaabot na ng Gilas ang misyon nang umangat sila ng 14 puntos, 65-51, matapos ang buslo ni Marcus Douthit sa huling apat na minuto ng labanan.
Pero tulad sa mga nagdaang laro, nanlamig uli ang Gilas at si Douthit na lamang ang umiskor ng huling dalawang puntos ng koponan, kulang tatlong minuto pa ang natitira sa orasan.
Apat na sunod na free throws nina Anatoly Kolesnikov at Pavel Ilin ang nagpababa sa dala-wang puntos sa kalama-ngan ng Pilipinas sa hu-ling 14.8 segundo.
Dahil wala nang ibang paraan para lumaki uli ang kalamangan kungdi ang paabutin ang laro sa overtime, pumuntos si Douthit sa basket ng Kazakhstan na hindi binilang at sa halip ay naging turnover.
Nagbigay ng foul si Jeff Chan pero sinadya ni Kolesnikov na hindi ipasok ang dalawang free throws para sa final score.
Ipinaliwanag ni Reyes na naghayag ang dalawang referees mula Japan at Korea na ibibilang ang score sa Kazakhstan kahit ang Pilipinas ang gumawa nito ngunit binawi ito ng Iranian referee.
“Unfortunately, we had to do something like that coz we had to survive,” wika ni Reyes. “We had to win by 11. As usual, we fizzled out again in the end. We were up by 12, we said let’s keep pushing on the gas. But we didn’t have enough gas to finish strong. We won but we really lost,” dagdag niya.
Si Douthit na hindi pinaglaro sa laban kontra sa Korea na nanalo sa dikitang 97-95, ay gumawa ng 18 puntos, 14 rebounds, 3 blocks at isang assists habang si Alapag ay may 11 puntos. (BRM)
- Latest