Mayweather itinangging malapit nang maplantsa ang laban vs Pacquiao
MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni Floyd Mayweather, Jr. ang mga naunang pahayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na malapit nang maplantsa ang kanilang super fight ni Manny Pacquiao para sa susunod na taon.
Sa press conference para sa kanilang rematch ni Marcos Maidana, sinabi ni Mayweather na ginagamit lamang ni Arum ang kanyang pangalan para mabili ang tiket ng laban nina Pacquiao at American challenger Chris Algieri.
“Not true. I can’t say what the future holds,” sabi ng 37-anyos na si Mayweather. “I think right now Arum and Pacquiao are trying to sell tickets for the other guy, Algieri.”
Nakatakdang idepensa ni Pacquiao ang kanyang WBO welterweight crown laban kay Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
“They are trying to sell tickets for that fight. I don’t know where they’re fighting at. I don’t know anything about that. But everybody is connected to Floyd. Like I’ve said before, I’m relevant,” sabi ni Mayweather, muling lalabanan si Maidana sa Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nauna nang sinabi ni Arum na kasalukuyan na siyang nakikipag-usap sa grupo ni Mayweather para labanan si Pacquiao sa 2015.
Tatlong beses bumagsak ang usapan para sa nasabing super fight nina Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) at Mayweather (46-0-0, 26 KOs) mula sa isyu ng hatian sa prize money hanggang sa pagsailalim sa Olympic-style random drug at blood testing.
Pumayag na si Pacquiao na makakuha ng mas ma-laking bahagi ng premyo si Mayweather pati na ang pagdaan sa Olympic-style random drug testing.
Sinabi ni Pacquiao na ayaw siyang labanan ni Mayweather dahil sa pagprotekta sa malinis nitong boxing record.
Ayon kay Mayweather, ang pinakahuling laban niya ay gagawin sa Setyembre ng susunod na taon.
- Latest