Nasilat ang Altas sa Cardinals
MANILA, Philippines - Mahirap talunin ang koponan wala nang hinahabol pa sa kanilang laro.
Ito ang natutunang leksiyon ng Perpetual nang kumulapso laban sa sibak na sa kontensiyong Mapua na humatak ng 91-81 panalo sa 90th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Pinangunahan ni Leo Gabo ang lahat ng sco-rers sa kanyang 23 points habang pinahirapan naman ni CJ Isit ang Altas sa kanyang 21 points kabilang ang crucial baskets sa fourth quarter bukod pa sa kanyang 10 assists nang sumulong ang Cardinals sa 4-10 win-loss record na humigit sa kanilang tatlong panalong produksiyon noong nakaraang season.
“Ito na ‘yung pinakamalaking panalo namin. Sana madagdagan pa,” sabi ni coach Atoy Co ng Mapua na wala nang pag-asa sa Final Four.
Bago ang laro, paboritong manalo ang Altas matapos ang 91-57 tagumpay sa kanilang first round meeting noong June 30.
Ngunit nakahanap ng paraan ang Mapua na sumabay sa bilis ng Perpetual Help at lumamang pa ng 8-puntos sa fourth quarter.
Nabuhay uli ang Altas para dumikit sa 71-70 mula sa three-point play ni Justine Alano sa foul ni Jessie Saitanan patungo sa huling anim na minuto ng labanan.
Ngunit ito na ang na-ging huling opensibang nagawa ng Perpetual nang tuluyang lumayo ang Mapua sa pamamagitan ng 21-10 run.
Ang pagkatalo ay nagpako sa Altas sa ikalimang puwesto sa 8-6 marka sa likod ng No. 4 na St. Benilde (9-5).
Pinangunahan ni Earl Scottie Thompson ang Perpetual sa kanyang 20 points bagama’t dumugo ang kanyang sugat sa ulo sa kaagahan ng fourth quarter nang aksidenteng bumangga sa kanyang kakamping si Harold Arboleda.
Kasalukuyang na-ngunguna ang San Beda sa 11-2 record kasunod ang Arellano at Jose Rizal na tabla sa 9-4.
Mapua 91- Gabo 23, Isit 21, Eriobu 13, Cantos 12, Biteng 9, Estrella 7, Saitanan 6, Tubiano 0, Villaseñor 0.
Perpetual Help 81- Thompson 20, Baloria 19, Alano 14, Arboleda 11, Dagangon 8, Jolangcob 5, Ylagan 2, Pido 2, Oliveria 0, Bantayan 0, Gallardo 0.
Quarterscores: 28-26; 47-40; 65-60; 91-81.
- Latest