Phoenix, Saints umiskor sa 14th NAASCU
MANILA, Philippines - Pinahiya ng bisitang Our Lady of Fatima University Phoenix ang Rizal Technological University Blue Thunder, 80-78, sa Round Two ng 14th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) men’s basketball tournament noong Linggo sa RTU Gym sa Mandaluyong.
Pinaganda ng Phoenix ang kanilang baraha sa 6-2 kasabay ng paghuhulog sa Blue Thunder sa 4-4.
Ang three-point shot ni JJ Mallari ang nagbigay sa Phoenix ng 76-66 abante bago nakalapit ang Blue Thunder sa 72-76 agwat sa huling 1:56 minuto ng fourth quarter.
Tumipa si Romyl Jornacion ng tres para muling ilayo ang Fatima sa 79-72 hanggang muling makadikit ang RTU sa 78-79 sa natitirang 2.6 segundo.
Umiskor si Mallari ng 27 points, ang 14 dito ay kanyang ginawa sa third period, kasunod ang 20 ni Jornacion.
Samantala, binigo ng nagdedepensang Centro Escolar University Scorpions ang City University of Pasay Eagles, 100-49, para sa kanilang 8-0 marka.
Pinayukod naman ng Saint Clare College of Caloocan ang Diliman Computer Technology Institute Senators, 86-53, para sa kanilang 7-1 kartada.
Tumapos si Marte Gil na may 22 markers para sa Saints.
Ang 12 dito ay kanyang iniskor sa final canto para iwanan ng Saints ang Senators.
- Latest