Winalis ang Cagayan sa kanilang title series Army kampeon sa V-League
MANILA, Philippines - Tuluyan nang winalis ng Philippine Army ang dating reynang Cagayan Valley sa kanilang championship series sa pamamagitan ng 25-14, 25-7, 25-23 panalo sa Game Two para kunin ang korona ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagbida ang beteranang si Tina Salak sa 2-0 sweep ng Lady Troopers sa kanilang best-of-three titular showdown ng Rising Suns.
Nagposte ang 38-anyos na si Salak ng hits at 30 excellent sets para sa unang titulo ng Army matapos ang tatlong taon.
Humataw naman si Jovelyn Gonzaga ng 13 hits, kasama rito ang 12 kills, para hirangin bilang Finals Most Valuable Player sa ikalawang pagkakataon.
Nauna nang nagtala si Gonzaga ng 19 hits sa 25-19, 18-25, 25-18, 25-7 panalo ng koponan sa Game One noong Huwebes.
Ang dalawang spikes ni Gonzaga sa third set ang tuluyan nang sumelyo sa kanilang tagumpay.
Kinuha ng Lady Troopers ang apat na puntos para makabangon mula sa 21-23 agwat sa nasabing yugto.
“I’m lucky to be blessed with great players,” sabi ni Army head coach Rico de Guzman sa kanyang koponan.
Sa kabuuan ay naglista ang Lady Troopers ng 46 smashes kumpara sa 20 ng Rising Suns.
Nagposte ang Army ng 11 blocks laban sa dalawa ng Cagayan, kumuha ng 16-game sweep para angkinin ang titulo noong nakaraang taon.
Si top hitter Aiza Maizo ay nalimitahan sa 8 points, habang may 5 si Pau Soriano kasunod ang tig-4 nina Rosemarie Vargas, Wenneth Eulalio at Joy Benito.
Sa unang laro, binawian ng PLDT Home Telpad ang Air Force, 25-18, 25-23, 25-15.
Ngunit dahil natapos na ang Finals at base sa quotient ay lamang ang Turbo Boosters na nagbigay sa kanila ng third place.
- Latest