9-kabayo ang nominado sa 1st leg ng Philracom Juvenile Fillies at Colts race
MANILA, Philippines - Siyam na kabayo ang nominado para tumakbo sa 1st leg ng Philracom Juvenile Fillies at Colts race sa Agosto 24 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Noong Martes ang huling araw na itinalaga ng Philippine Racing Commission para sa nominasyon ng mga kabayong nais isali sa karerang katatampukan ng mga edad dalawang taong gulang na mga kabayo na magsusukatan sa 1,000-metro distansya.
Ang mga palaban ay ang Cats Express, Cook A Doodle Doo, Hook Shot, Jazz Asia, Karangalan, Leona Lolita, Princess Ella, Super Spicy at Viva La Vida.
Kabuuang P1 milyon ang premyong paglalabanan at ang mananalo ay mag-uuwi ng P600,000.00 unang gantimpala.
Sa Agosto 18 itinakda ang final declaration habang ang bolahan ay gagawin sa Agosto 22.
Apat na yugto ang gagawing pakarera para sa mga juvenile horses at ang pangalawang leg ay kakikitaan pa rin ng pagsasama-sama ng mga colts at fillies sa iisang karera.
Gagawin ito sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas sa Setyembre 21 sa 1,200-metro distansya.
Paghihiwalayin naman ang mga colts sa fillies sa ikatlo at ikaapat na yugto ng karera.
Ang 3rd leg ay gagawin sa Oktubre 19 (fillies) at 19 (colts) sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa 1,400-metro distanya habang ang ikaapat at huling leg ay mapapanood sa Nobyembre 15 (fillies) at 16 (colts) sa Santa Ana Park sa 1,600-metro distansya.
Ang mga mahuhusay na 2-year old horses ay inaasahang magpapangita sa Philracom Juvenile Championship sa isang milyang distansya sa Disyembre 28 sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Ang kikilalaning juvenile champion ng 2014 ang siyang ipalalagay na magiging paborito sa 2015 Triple Crown Championship na premyadong karera para sa mga edad tatlong taong gulang.
Noong nakaraang taon, ang Kid Molave ang siyang nagkampeon sa Juvenile Championship at pinangatawanan ng kabayo ang pagiging pinakamahusay sa kanyang hanay matapos walisin ang tatlong yugtong karera para maging ika-10 sa listahan ng mga Triple Crown champions. (AT)
- Latest