Blatche komportable kasama ang Gilas
MANILA, Philippines - Madaling naipakita ng nine-year NBA veteran na si Andray Blatche ang kanyang pagiging miyembro ng Philippine national team na dalawang beses sa isang araw nagsasanay bilang preparasyon sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Sa kanyang unang pakikipag-ensayo sa Gilas Pilipinas, kaagad tinanggap si Blatche ng kanyang mga kakampi, kasama ang kapwa naturalized player na si Marcus Douthit.
Sina Blatche at Douthit ay parehong nasa initial lineup na ipinasa ni Gilas coach Chot Reyes sa FIBA.
Ngunit isa lamang sa kanila ang mapapabilang sa final 12-man roster para sa World Cup.
Sa ilalim ng FIBA rules, ang isang national team ay pinapayagang magpalaro ng isang naturalized player.
Ang 34-anyos na si Douthit at ang 27-anyos na si Blatche ay maraming pagkakatulad.
Pareho silang isinilang sa Syracuse, New York at mga second round picks sa NBA draft isang taon ang pagitan. Pareho rin silang 6’11 centers.
Ang tanging pagkakaiba nila ay ang kanilang playing experience.
Mula sa high school ay kaagad sumabak si Blatche sa NBA noong 2005 at naglaro para sa Washington Wizards at Brooklyn Nets.
Apat na taon namang naglaro si Douthit sa Providence College varsity bago naging import sa Belgium, Lebanon, Turkey, Russia, Puerto Rico, Venezuela, South Korea, China at sa Pilipinas.
Hindi nakapaglaro si Douthit sa NBA ngunit muntik nang mapabilang sa line-up ng L.A. Lakers at Clippers.
Bagama’t may tahanan si Blatche sa Miami, kumuha siya ng kuwarto sa Marriott Marquis Hotel para makasama ang kanyang mga teammates.
Ang practice schedule ay dalawang beses sa isang araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 tanghali at alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Mayroon din silang mga team meetings at viewing sessions.
- Latest