Gilas Pilipinas umusad sa semis sinibak ang India
MANILA, Philippines - Umiskor lamang ang Gilas Pilipinas ng 10 points sa kabuuan ng fourth quarter kumpara sa 19 ng India.
Sa kabila nito ay nagawa pa rin ng Nationals na makapasok sa semifinal round matapos talunin ang India, 70-66, tampok ang 15 points, 5 rebounds at 3 assists ni guard Paul Lee kahapon sa 5th FIBA-Asia Cup sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Gilas Pilipinas papasok sa semifinals kung saan nila sasagupain ang nagdedepensang Iran ngayong alas-5:15 ng hapon.
Tinalo ng Iranians ang Jordan, 75-60, sa isa pang quarterfinals match.
Nauna nang dinomina ng Nationals ang eliminasyon sa Group B mataps gibain ang Chinese-Taipei, Singapore at Jordan.
Binuksan ng India ang laro sa 4-0 bago inangkin ng Gilas Pilipinas ang 20-17 bentahe sa first period patungo sa pagtatala ng 18-point lead, 40-22, mula sa dalawang free throws ni Lee sa 3:30 ng second quarter.
Matapos ilista ng Nationals ang 70-54 abante sa 5:13 minuto ng final canto ay naglunsad naman ang India ng isang 11-0 atake para makadikit sa 65-70 agwat sa huling 1:37 minuto.
Sa kabuuan ay nakagawa ang Gilas Pilipinas, naghahanda para sa FIBA World Cup sa Spain at sa Asian Games sa Incheon, Korea, ng 22 turnovers kumpara sa 16 ng India.
Tumapos si Lee na may 15-puntos kasunod si Marcus Douthit na may 14 points.
- Latest