Ika-3 panalo ni Barriga sa WSB
MANILA, Philippines - Ipinoste ni London Olympian Mark Anthony Barriga ang kanyang ikatlong sunod na panalo sa World Series of Boxing (WSB), ang semi-professional league na inihahandog ng International Boxing Association (AIBA).
Kinuha si Barriga ng Italia Thunder na suportado ng high-fashion brand na Dolce & Gabbana.
Sa pagsagupa ng Thunder kontra sa USA Knockouts sa Milan, dinomina ni Barriga si Chinese boxer Lu Bin ng USA na inilarawan ng boxing website na boxingnews24.com bilang “an epic clash between two of the WSB’s hottest up-and-coming light flyweightsâ€.
Si Barriga ay mayroong malinis na 3-0 record ngayon sa WSB at umakyat sa No. 2 sa kanyang weight division rankings sa likod ni Yosbany Veitia ng Havana Domadores, may 5-0 card.
Ang mga naunang pinayukod ni Barriga ay sina Leandro Blanc ng Argentina at Ovidiu Berceanu ng Germany.
Ang panalo ni Barriga ang nagbigay sa Italian franchise ng 3-2 advantage sa kanilang 5-match encounter laban sa mga Americans.
Ang WSB ay may mga koponan mula sa 12 bansa ngunit ang komposisyon ay mga boxers mula sa ibang nasyon.
Pansamantalang iniwan ni Barriga ang WSB noong Disyembre para kumampanya para sa Pinas sa 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar kung saan siya nag-uwi ng gold medal.
Bumalik siya sa training camp sa Assisi, Italy noong Enero 2.
- Latest

















