Kumaripas ng takbo ang Good Nature
MANILA, Philippines - Kumaripas ng takbo ang Good Nature sa likuran para dominahin ang 3YO and Above Maiden Colts race noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa ikalawang opisyal na takbo sa pagdadala pa rin ni Pat Dilema, nakita ang bangis ng kabayo nang iwanan ang mga nakalaban pagpasok sa far turn at mag-jogging na lamang sa pagtawid sa meta sa 1,400-metro distansyang karera.
Slight choice ang nanalong kabayo sa 10 naglaban habang ang iba pang ipinalagay na palaban ay ang Dinagyang ni CM Pilapil at Magical Bell ni Fernando Raquel Jr.
Naunang nagdikta ang Papa Loves Mambo bago sumunod na Battle Creek at saka ang Good Nature ngunit hindi napangatawanan ng dalawang nanguna ang ma-lakas na pag-alis nang hindi tumimbang sa karera.
Ang Victory Class na hawak ni LC Lunar ang siyang pumangalawa sa datingan para gumanda pa ang ibinigay na dibidendo.
Ang win ay naghatid ng P12.50 dahil dikit ang bentahan habang nasa P90.00 ang ibinigay sa forecast na 4-7.
Dalawa pang three-year old horses na Beat Them All at Surplus King ang kuminang sa nilahukang karera sa pagtatapos ng pista sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Ang apprentice rider na si JD Juco ang siyang pinagdiskarte sa Beat Them All at tinalo nga ng tambalan ang pitong nakalaban.
Hindi binigyan ng pagkakataon ng nanalong kabayo ang mga katunggali dahil sa pagbukas pa lamang ng aparato ay umuna agad ang second choice sa karera.
Anak ng Tempestous Wind at Gala Night, nasa apat na dipa ang layo nang tumawid ito sa meta laban sa pumangalawang Wood Ridge ni AR Villegas.
May P17.50 ang ibinigay sa win habang P53.00 ang inabot ng 7-1 forecast.
Si Mark Alvarez naman ang sumakay sa Surplus King na nanalo sa ikalawang sunod laban sa napaborang King Of Reality sa pagdadala ni Dilema.
Two-horse race ang nangyari sa 1,400-metro distansyang karera pero ang King Of Reality ang siyang nagdikta sa karera at nakalamang ng hanggang dalawang dipa.
Pero sa rekta ay umabot na ang Surplus King sa nasa balyang King Of Reality bago kinuha ang kalamangan sa pagpasok ng huling 75-metro tungo sa panalo.
Ang nanalig sa anak ng Chateaucreek sa Victoria Peek ay may P13.50 kinabig habang P15.50 ang ibinigay sa 2-5 forecast.
Lumabas bilang dehadong kabayo na nakapanggulat ay ang Dy San Diego sa pagdadala ni Kevin Abobo sa Special Handicap Race.
Nakatulong sa tambalan ang ibinigay na pinakamagaan na peso na 50-kilos sa Dy San Diego upang makatikim ng panalo sa taong ito.
Kinargahan ni Abobo ang pitong taong kabayo na Dy San Diego sa huling 150-metro para kunin ang unahan at nanalo sa Dark Beauty at Pinespun na sabay na tumawid sa meta.
Nagpasok ang kabayong pag-aari ni Rudy Mendoza ng P47.50 at dahil dead heat sa pangalawang puwesto kaya’t dalawang dibidendo ang ibinigay. Ang 5-1 (Dark Beauty) ay may P998.00 dibidendo habang ang 5-7 (Pinespun) ay may P177.00 dibidendo.
- Latest