San Mig lalapit sa finals
MANILA, Philippines - Lalapit pa ang San Mig Coffee sa puntiryang ikalawang sunod na pagtapak sa finals sa pag-asinta ng panalo laban sa Barangay Ginebra sa Game Four ng PLDT-myDSL PBA Philippine Cup ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sariwa ang Mixers sa 97-89 panalo sa Gin Kings noong Linggo at naniniwala si coach Tim Cone na may sapat pang enerhiya ang kanyang mga alipores para kunin ang panalo sa larong magsisimula sa ika-8:00 ng gabi.
“It’s a tough series and we need to play A-plus to beat this team,†wika ni Cone na galing sa pagsungkit ng titulo sa PBA Governors’ Cup.
May dahilan na mag-alala si Cone dahil ang Gin Kings ay hindi pa natatalo ng dalawang sunod sa conference na ito.
Si Ginebra coach Renato Agustin ang nagsabi na siya ang nagkamali sa diskarte kaya’t natalo sila sa Game Three at tiniyak na gagawin niya ang lahat para maitama ito.
Isa na sa adjustments niya ay ang pagbibigay katiyakan na may ilalabas pa sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar at LA Tenorio sa mahahalagang tagpo ng labanan.
Sa nakaraang laro, ang tatlong ito na gumawa ng 29, 14 at 12 puntos ngunit napagod sa huling yugto para makakawala ang Mixers.
Habang ang paglimita sa twin-towers ng Ginebra ang isa sa pagtutuunan pa rin ng Mixers, ang patuloy na pagkinang ng bench ay isa sa hindi dapat na magbago kung nais nilang umangat ang kasalukuyang 2-1 karta.
Si Mark Barroca ay off-the-bench player ni Cone at nakabuti ito sa kanyang diskarte dahil siya ang tumayong bida sa kinuhang panalo sa Games One at Three. (AT)
- Latest