Nagbunga ang pag-akyat ng grupo ng Airway
MANILA, Philippines - Nagbunga ang desisyon ng handlers ng Airway na iakyat ito ng grupo nang manalo pa na nangyari noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Jordan Cordova pa rin ang hinete ng Airway na noong Enero 4 ay isinali sa Handicap Race three at nanalo rin sa 1,300m distansya.
Sa Handicap Race 4 tumakbo sa pagkakataong ito ang tambalan at limang katunggali ang kanilang hinarap ngunit walang nakasabay sa malakas na pagdating ng Airway.
Sinundan muna ng Airway ang pag-arangkada ng Final Judgement pero sa backstretch ay umuna na ang nanalong kabayo.
Mainit na rin ang Dragon May at Pearloftheorient sa pagpasok sa huling kurbada pero nagpapahinga lamang pala ang Airway dahil nang ibinigay na ang ayre nito ay nanalo ng walong dipa.
Naungusan ng Pearloftheorient ni John Cordero ang sakay ni EG Reyes na Dragon May para sa ikalawang puwesto.
Patok ang Airway para balik-taya ang nangyari sa win (P5.00) habang ang 3-4 forecast ay nagpamahagi ng P10.50 dibidendo.
Nakabawi ang Work Of Heart sa pang-apat na puwestong pagtatapos noong Enero 9 nang dominahin ang Handicap Race 1 habang nagpasikat din ang kabayong Willingandable sa 3YO Special Handicap Race.
Hindi umubra ang hamon ng Silver Ridge sa Work Of Heart na diniskartehan ni Guce para makuha ang unang panalo sa taon.
Nasa P5.00 din ang dibidendo sa win pero ang nadehadong Silver Ridge ay nagpataas sa dibidendo sa forecast na P24.00 sa 10-4 forecast.
Eksakto lamang ang pagpapalabas ni Pat Dilema sa lakas ng Willingandable upang maiwanan ang naunang kasabayan na Jazzie Too Shaftie na siyang patok sa walong kabayo na naglaban, kasama ang isang coupled entry.
Umabot pa sa P35.50 ang ibinigay sa win habang ang forecast na 3-7 ay naghatid ng P66.50 dibidendo. (AT)
- Latest