Royal Jewel 'di mapigil
MANILA, Philippines - Hindi pa rin napipigil ang pagpapanalo ng kaba-yong Royal Jewel.
Noong Linggo sa bakuran ng Santa Ana Park sa Naic, Cavite ay nangibabaw uli ang kabayong sakay ni Dominador Borbe Jr. sa Mayor Junio C. Dualan Trophy Race na inilagay sa 1,200-metro distansya.
Walang naging problema ang ipinataw na 58 kilos handicap weight sa kabayong pag-aari ni Juancho Ferariza upang kunin ang ikaapat na sunod na panalo ng tambalan sa buwan ng Setyembre.
Halagang P180,000.00 ang premyong naibulsa ng Royal Jewel na tinalo ang hamon ng Michika.
Patok ang nangunang dalawang kabayo para magkaroon ng P7.00 sa panalo ng Royal Jewel habang P21.50 ang ibinigay sa 6-4 forecast.
Ito ang huling araw sa pitong araw na pangangarera na ginawa sa tatlong magkakaibang pista at tampok na panalo ang naiposte ng isang dehadista na lumabas bilang ikalawang milyonaryo sa horse racing sa linggong ito.
Nakuha ng mananaya ang magkasunod na dehado na Black Smith na hawak ni JD Flores sa 3YO Handicap Race 1A na race six at ang Pinas Paraiso sa race 7 na isang 3YO Special Handicap race para masolo ang dibidendo sa unang Winner-Take-All.
Nanalo ang Black Smith sa paboritong My Name Jon habang ang Pinas Paraiso ay nakapanorpresa sa Hot Momma.
May P213.00 ang win ng Black Smith habang P107.00 ang kinabig sa panalo ng Pinas Paraiso ngunit ang mas malaki ay ang P1,059,451.20 na dibidendo sa 1-5-2-6-1-4-10 1st WTA.
Noong Setyembre 19 sa nasabing race track ay isa ring mananaya ang kumubra ng P2,307,764.00 nang natamaan ang 7-6-9-5-13-11-8 kumbinasyon sa WTA.
- Latest
- Trending